Saturday, August 21, 2010

Ang Paboritong Libro ni Hudas

Akala ko naman ‘Ang Paboritong Libro ni Hudas’ ni Bob Ong ay tungkol sa kung anong akala kong tungkol dito, pero akala ko lang pala yon, dahil nung mag-research ako konti ay tungkol pala ito sa 7 deadly capital sins. Saka ko lang na-gets na bawat title ng chapter pala ay ni-jumble na letters ng pangalan ng isang capital sin (Veny-Envy, Geran-Anger, Depir-Pride, Ventocoseuss-Covetousness, Tuls-Lust, Gynottul-Gluttony, Holts-Sloth), at bawat chapter (capital sin) ay may kuwento si Bob Ong tungkol dito. Akala ko naman kung anong salitang Griyego yung nakasulat sa bawat chapter eh, tutal naman sa libro ni Bob Ong ay hinango niya ayon sa kanyang mga nabasa sa bibliya ang usapan sa pagitan ni Hesus at ng isang kaluluwa. Bagamat may kapupulutan din naman ay hindi ko gaanong bibigyang pansin ang kanyang mga kuwentong chalk, sa halip mas bibigyan ko ng diin ang usapan ni Hesus at ng kaluluwa.
Sa ‘Ang Paboritong Libro ni Hudas’ ay may isang mapagdudang kaluluwa na nakikipag-usap kay Hesus sa lugar ng mga patay. Noong una ay hindi makapaniwala ang kaluluwa na siya’y kaluluwa na, hanggang sa magpakilala si Hesus bilang receptionist sa lugar na iyon, ngunit hindi Niya sinabi na Siya nga ang Panginoon. Para makumbinsi ang kaluluwa na siya’y patay na nga ay ipinakita ni Hesus sa kanya ang kaayusan ng naiwang niyang pamilya, kaunlaran ng Pilipinas, at mga taong naririnig nilang nagdadasal. Dahil dito ay napatanong ang kaluluwa kung Diyos nga mismo ang kaharap niya, na sinagot naman ni Hesus sa pamamagitan ng pagkukuwento tungkol sa Kanyang mga nilikha. Hindi nakumbinsi ang kaluluwa na may Diyos, at idinahilan ang pagdurusang kanyang pinagdaanan sa mundo kung kaya hindi siya naniniwala. Sa huli ay nagpakilala na nga si Hesus sa kaluluwa at tinanong kung sa tingin niya ay saan siya ibabagsak— kung sa langit ba o impiyerno. Pinili ng kaluluwa ang impiyerno tutal wala naman siyang pakialam dahil hindi siya naniniwala doon. Nagkamali ang kaluluwa dahil ang totoo, ipagkakaloob ni Hesus ang buhay na walang hanggan sa kanya. Ngunit dahil sa pagiging hindi handa ng kaluluwa, nagpasya si Hesus na ibalik muna ito sa lupa at bigyan muli ng isa pang pagkakataon, pagkakataon para malaman ang mga bagay-bagay na pinagdududahan at nagpapagulo sa kaniya. Sa katapusan ng libro ay malalaman mo na lang na kaluluwa mo pala ang kaluluwa na iyon!
Sa tingin ko ang intensyon talaga ni Bob Ong ay para maisip ng mga mambabasa, paano kaya kung kaharap na nila ang Diyos mismo? Ang tanong, tayo ba ay handa nang makapiling Siya pag tayo’y namatay, o tulad ng ginawa Niya sa mapagdudang kaluluwa, hindi kaya magdadalawang isip din ang Diyos na ibalik ang kaluluwa natin sa lupa dahil sa ating mga pagdududa sa Kanya? Ang hamon sa atin ngayon ni Bob Ong ay dapat tayong magtanong, at hanapan ng kasagutan sa tamang lugar ang mga bagay-bagay na nagbibigay sa atin ng pagdududa, nang sa gayon tayo’y maging handa pag dumating ang ating oras.
Heto at magbibigay ako ng konting komento sa mga usapin sa pagitan ni Hesus at ng kaluluwa ( <.—.> - Hesus, < ’ > - kaluluwa):
<.—.> Eto, pakinggan mo, meron na namang nagdarasal.
< ’ > ‘Yung babaeng humihiling na sana payagan s’ya sa outing ng daddy n’ya?
<.—.> Hindi, ‘yung matandang mabagal magsalita.
< ’ > ‘Yung humihiling na sana tumigil na ang mister n’ya sa pambababae?
<.—.> At?
< ’ > Pagkapanalo ng kapatid n’ya sa barangay election?
<.—.> At?
< ’ > Paggaling ng asthma n’ya?
<.—.> At?
< ’ > Kaligtasan ng anak n’ya sa Middle East?
<.—.> At?
< ’ > World peace?
<.—.> At?
< ’ > Na matapos na ang pagpaparehistro ng kotse n’ya?
<.—.> At?
< ’ > Ano’ng at? Marami pa eh…
<.—.> At ano pa nga…?
< ’ > At matapos na ang hinuhulug-hulugan nilang bahay?
<.—.> At?
< ’ > Marami pa s’yang sinasabi eh…
< ’ > Ano’ng nakakatawa doon?
<.—.> Wala nga. Kaya ako natatawa kasi hindi na s’ya nakakatawa.
<.—.> Hindi naman s’ya nagdarasal e. Para lang s’yang umoorder sa waiter sa restaurant.
<.—.> Minsan nga gusto kong humingi ng tip e!
<.—.> Ngiyahahahaha!
< ’ > HAHAHAHAHA!!!
p.22
Isang maling klase ng pagdadasal. Faith and works dapat. Dapat kumilos ka din sa sarili mo. Hindi yung puro hiling lang sa Diyos. Ang Diyos ay hindi waiter na hihiling ka lang ng kung ano ang kagustuhan mo pero hindi mo naman sinusunod ang kagustuhan Niya. Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.
<.—.> Kahapon meron ding nagdasal, umiiyak pa, sana raw pumasa s’ya sa exam.
<.—.> Paano ko naman ipapasa, e wala naman s’yang isinagot sa mga test papers n’ya!
< ’ > Hahahahaha!!!
p.22
Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa pa din. Para sa mga estudyante, paano nga naman kayo makakapasa kung hindi naman kayo nag-aaral? Walang nananalo sa lotto nang hindi bumibili ng ticket.
< ’ > Maganda ang mga kwento mo, nabasa ko na lahat ‘yan sa libro, pero—
<.—.> “Maganda.” Ha, ha. Gusto ko ang sinabi ko— “maganda.”
p.46
Nakuha ni Bob Ong sa Genesis 1. Lahat ng ginawa ng Diyos ay maganda.
<.—.> Kung malalaman mong may Diyos, may gusto ka bang  baguhin sa naging takbo ng buhay mo dati? Kung may dapat ka pang baguhin sa naging buhay mo noon, nagangahulugan bang nabuhay ka sa paniniwalang walang Diyos?
p. 48
Mas mabuti na yung namatay kang naniniwala sa Diyos pero sa huli nalaman mong wala palang Diyos, kesa naman sa namatay ka ngang hindi naniniwala sa Diyos pero sa huli nalaman mong totoo pala Siya.
<.—.> Paghihirap?
<.—.> Nagpawis ka na ba ng dugo?
<.—.> Naduraan  ka na ba sa mukha at nasuntok habang nakapiring ang mga mata?
<.—.> Naigapos ka na ba sa poste at paulit-ulit na nahagupit ng latigo na may bakal sa dulo?
<.—.> Napunit na ba ang mga kalamnan mo na parang retaso?
<.—.> Nalublob ka na ba sa sarili mong dugo?
<.—.> Naputungan ka na ba ng tinik sa ulo?
<.—.> Napagtawanan ka na ba habang insultong sinusuotan ng kapa?
<.—.> Hindi pa yata.
<.—.> Namumuo at natutuyo na noon ang dugo ko sa mga natamong sugat…nakakapit na ang tela ng kapa sa kalamnan ko..nang bigla itong hatakin sa akin, dahilan upang muling dumagsa ang mga dugo. Naranasan mo na ba ito?
<.—.> Hindi pa yata.
<.—.> Hindi pa nasasayaran ng mabigat na krus ang magkabila mong braso, patungo sa anim na raan at limampung yardang paglalakbay nang nakayapak.
<.—.> Hindi pa, di ba?
<.—.> Hindi ka pa rin naipako sa krus, kasama ng mga kriminal.
< ’ > Hindi ko hiningi ‘yan
<.—.> Dahil nasa iyo na
p.94-95
Si Hesus ay nakaranas din ng pagdurusa katulad natin, o malamang mas mahigit pa nga kesa sa atin. Hindi nga naman tayo nakaranas na ipako sa krus at dumanak ang dugo natin, pagtawanan at pahirapan tayo. Pero paminsan sa ating buhay ang hilig nating magreklamo sa pagsubok na kinakaharap natin. Tulad ng ginawa ni Hesus ay pasanin din natin ang ating mga “krus” upang dakilain ang Ama. Kaya tayo nilalagay ng Diyos sa isang pagsubok ay dahil kaya natin ito. Hindi Siya magbibigay ng hindi natin kaya. Enjoy our sufferings with Christ.
<.—.> Ang giyera ay negosyong masipag n’yong sinusuportahan sa halagang walong-daang bilyon bawat taon.
<.—.> Umaabot sa isandaan at pitumpong milyong mamamayan na ang binaril, binugbog, pinahirapan, sinaksak, sinunog, ginutom, binomba, pinagyelo, inipit, nilunod, binitay, pinagtrabaho hanggang kamatayan, at inilibing nang buhay ng mga sarili nilang gobyerno.
<.—.> Ano pa ang gusto mong malaman?
p.96
Snisisi ni Hesus ang giyera (paghihirap) sa tao. Maraming pakana ang tao na akala niya ay kagustuhan ng Diyos.
<.—.> Madaling makilala ang hari ng kasinungalingan.
<.—.> Malapit ‘yon sa mga malayo sa Diyos.
<.—.> Hindi ka n’ya lalapitan nang wala s’yang kailangan.
<.—.> At hindi ka n’ya lulubayan nang hindi n’ya nakukuha ang gusto n’ya.
<.—.> Madaya ‘yon at mahilig makipagpustahan.
<.—.> Pag pumayag ka sa mga deal no’n, automatic talo ka kaagad!
<.—.> Matinik ‘yon!
p.112
Matinik na madaya na mahilig makipagpustahan at kapag pumatol ka ay talo ka agad. Siguro nga madaming tao ang mahilig makipagpustahan kay Satanas. Madami talaga siyang nalolokong tao. Pero ang pinaka-epektibo pa ding panlaban sa kanya ay pagdadasal.
< ’ > Walang madali…
< ’ > At mahirap kang intindihin!
<.—.> Naiintindihan ko ‘yon.
< ’ > Hindi.
< ’ > Kung naiintindihan mo, may gagawin ka!
<.—.> Meron nga.
< ’ > Oo, pero para lang sa mga nagpakahirap sumunod sa ‘yo.
< ’ > Sila lang ang may premyo
p. 137
If you suffer, you understand. Si Hesus ay nagkatawang-tao, nabuhay at nagdusa bilang tao para maintindihan Niya kung paanong maging tao! Tandaan nating ang Tagapagligtas ay kailangang parehong Diyos at tao. Hindi tayo pinangakuan ng Diyos ng magandang buhay kung kaya naman kailangan din nating magdusa, tanggihan ang ating sarili upang maunawaan ang mga bagay-bagay, at higit sa lahat, ang Diyos.
< ’ > Hindi ko maintindihan kung bakit ka namin kailangan?
<.—.> Sa parehong paraan na hindi rin alam ng halaman kung bakit kailangan n’ya ng lupa?
p.137
Kung papaanong maraming tao ang nagdududa kung bakit kailangan nila ang Diyos ay ganoon din kung bakit ni hindi alam ng halaman na kailangan niya ng lupa. Ang halaman kailangan ng lupa para mabuhay, pero ang kaluluwa ng halaman ay hindi rasyonal para maintindihan ito. Tayong mga tao ay may rasyonal na kaluluwa at naiintindihan natin kung bakit kailangan ng Diyos para mabuhay, pero nagdududa pa din tayo.
<.—.> Kung hindi ka naniniwala sa akin, bakit kailangan mo pang problemahin ang kaparusahan? Ba’t mo pa tnatakot ang sarili mo???
<.—.> Huwag mo na ‘kong problemahin!
< ’ > Hindi kita pinuproblema. Nabuhay ako sa mundo nang ayon sa paniniwala ko.
<.—.> Lahat naman ng tao e. Regalo ko sa inyo ang malayang pagpapasya tungkol sa lahat ng bagay, di ba?
< ’ > Nasaan ang regalo mo sa mga taong namatay sa concentration camps dati? Nagamit ba nila ang malayang pagpapasya?
<.—.> Higit sa lahat.
< ’ > Sinungaling!
<.—.> Hindi dahil sa hindi mo maintindihan ang isang bagay ay kasinungalingan na ito.
<.—.> At hindi lahat ng kaya mong initindihin ay katotohanan.
p.138
Hell is separation from God. Ayaw ng kaluluwa na mapunta sa impiyerno, pero hindi din naman niya piniling sumunod sa Diyos habang nasa lupa pa siya. Kaya hindi niya masagot kung sa tingin niya saan siya dadalhin ni Hesus. Wala kasi siyang mapagpilian. Hindi pwedeng aayawan mo ang Panginoon pero hindi ka makakatanggap ng kaparusahan dahil nga “hell is separation from God”. Dalawa lang ang patutunguhan ng tao.
Believing is not seeing. Hindi nga naman porke hindi mo nakita o naintindihan ay hindi na ito totoo. Mapalad ang taong naniniwala kahit hindi nakakakita.
<.—.> Kahit papano e pwede ka rin palang respetohin.
<.—.> marami kasing puro tanong lang, hindi naman naghahanap ng sagot sa tamang lugar.
<.—.> Tapos bigla na lang susuko at sasabihing hindi naman ako totoo!
<.—.> ‘Yung mga ganung klase ng “matatalinong” tao ang masarap balutin ng lumpia wrapper at ilublob sa kumukulong lawa ng apoy!
p.165
Humanap ng kasagutan sa tamang lugar. Hindi pwede puro tanong lang.
Masasabi ko din na si Bob Ong ay isang taong minsan na ding nagduda, nagtanong at humanap ng sagot sa tamang lugar. Hindi niya ito isusulat kung hindi niya napagdaanan ang bagay na iyon.
< ’ > Dahil magulo. Masyadong maraming misteryo. Maraming walang kasagutan
< ’ > Ayoko ng gano’n!
<.—.> Kaya iniwan mo ang simbahan?
< ’ > Oo. Hindi ko matagalan ang mga ipokrito!
< ’ > …At ayoko rin naman ng buffet katulad ng ginagawa ng iba.
<.—.> Anong buffet?
< ’ > Mix and match sila ng religious practices.
< ’ > Sinusunod lang nila ang mga paniniwalang akma sa panlasa’t pamumuhay nila, tapos yung iba binabalewala na… o pinapalitan ng mga tradisyong galing naman sa ibang simbahan.
p.165-166
Sa aking interpretation, isa sa mga dahilan ng pagpapakamatay ng kaluluwa ay dahil sa mga tinturo ng Simbahan (Katoliko) na hindi niya gaanong naunawaan at ito’y misteryo para sa kanya. Ngunit ayaw din naman niyang lumipat ng ibang relihiyon dahil pare-pareho lang silang ipokrito.
Sa mga Katoliko, suriin munang mabuti ang ating pananampalataya nang may katapatan bago lumipat ng ibang relihiyon. Ang lahat, o ang kabuuan ng katotohanan ng dapat mong malaman tungkol sa Diyos ay nasa Simbahang Katoliko.
<.—.> Walang hanggan ang pagmamahal ko sa tao at marunong akong magpatawad sa mga nagkakasala.
p.167
Ang Diyos ng mga Kristyano. Ang Diyos na walang hanggan ang pagmamahal sa tao at marunong magpatawad sa mga nagkakasala. Purihin natin Siya at sambahin!
Last edited August 22, 2010
 from http://simplecatholic.tumblr.com/

1 comment: